Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) sa mga bus operator na maaari silang patawan ng parusa kapag patuloy na nagpataw ng dagdag bayarin para sa paggamit ng Beep cards.
Kasunod ito ng ipinalabas na direktiba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawing libre ang Beep cards.
Ayon kay DOTr Consultant Alberto Suansing, kinausap nila ang mga bus operators para humanap ng ibang card providers kung hindi aniya kayang magbigay ng libreng Beep cards ng AF Payments Inc. (AFPI).
Kung mabibigo, ang mga bus operators aniya ang una nilang papatawan ng multa.
Simula bukas, Oktubre 9, wala na dapat issuance fee ang Beep cards at ang gastos lamang ng mga pasahero ay ang load nito.
Matatandaang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na libreng ipamahagi ang Beep cards sa mga commuters kasunod ng mandatoryong paggamit nito sa EDSA busway.
Nasa 125,000 Beep cards naman ang libre nang ipamimigay ng AFPI.