Monday, March 30, 2026

Bus terminal sa Sampaloc, Maynila, hindi nagpatupad ng dagdag pamasahe ngayong panahon ng Semana Santa

Walang ipinatupad na taas-pamasahe ang Florida bus terminal sa Sampaloc, Maynila ngayong panahon ng Semana Santa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Ayon sa pamunuan ng Florida bus terminal, nananatili sa ₱1,010 ang pamasahe papuntang Laoag para sa kanilang deluxe buses.

Dagdag pa nito, tuloy-tuloy ang biyahe ng kanilang mga bus at hindi sila nagbawas ng units upang maserbisyuhan ang libo-libong pasahero na umuuwi sa kani-kanilang probinsya.

Nabatid na ilang araw na ring nararanasan ang pagdagsa ng mga pasahero kung saan mahaba na rin ang pila ng mga nagpapa-book o nagre-reserve ng biyahe, at inaasahang magpapatuloy ito hanggang sa kasagsagan ng Semana Santa, pero wala na silang biyahe pagsapit ng Biyernes Santo.

Handa naman ang nasabing kumpanya sa pagdagsa ng mga pasahero upang matiyak ang maayos na biyahe.

Nakabantay at nakaalalay naman ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) upang masiguro ang kaayusan, seguridad, at maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng terminal.

Facebook Comments