BUS TERMINALS SA DAGUPAN CITY, DINAGSA NG MGA PASAHERO SA HULING ARAW NG LONG WEEKEND

Dinagsa ng mga pasahero ang iba’t ibang bus terminals sa Dagupan City sa huling araw ng long weekend nitong Linggo, Enero 4, 2026, habang nagsisimula nang bumalik ang mga biyahero sa kani-kanilang mga tirahan matapos ang bakasyon.

Karamihan sa mga pasahero ay pabalik na sa kanilang trabaho o eskwela, partikular ang mga patungo sa Metro Manila at Baguio City, kasabay ng nalalapit na pagbubukas ng klase at pagtatapos ng holiday break.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga bumibiyahe, nagsagawa ang LTO Region 1, sa pamamagitan ng mga District Office at ng Regional Law Enforcement Section (RLES), ng mga inspeksyon sa mga terminal ng Public Utility Motor Vehicles (PUVs) at roadside inspections sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Layunin ng mga inspeksyon na matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng Land Transportation and Traffic Code at iba pang kaugnay na batas, kabilang ang maayos na kondisyon ng mga sasakyan, kumpletong dokumento, at pagiging kwalipikado ng mga tsuper.

Ayon sa LTO Region 1, mahalaga ang tuloy-tuloy na enforcement lalo na sa mga panahong mataas ang volume ng biyahe upang maiwasan ang mga aksidente at masiguro ang ligtas at maayos na paglalakbay ng publiko.

Tiniyak naman ng ahensya na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko sa buong rehiyon, lalo na sa mga panahong inaasahang mas marami ang mga bumibiyahe. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments