Bus terminals sa Metro Manila, dinadagsa pa rin

Ilang araw matapos ang Pasko, dagsa pa rin ang mga pasahero sa iba’t ibang terminal sa Metro Manila para makabiyahe pauwi sa kani-kanilang mga probinsiya para sa Bagong Taon.

Ayon kay Araneta Center Bus Station General Manager Ramon Legazpi, pumalo sa halos 6,000 ang mga pasahero sa terminal kahapon sa Cubao, Quezon City at inaasahang dadami ito hanggang Disyembre 31.

Sabi ni Legazpi, nagkaubusan na ng ticket patungo sa ilang lugar tulad ng Bicol dahil sa mga nagpa-reserve o mga nag-online reservation bago pa man mag-Pasko.


Pero pagtitiyak ng pamunuan ng terminal na sapat ang mga bus para makasakay ang mga uuwi para sa Bagong Taon.

Samantala sa Maynila, unti-unti nang napupuno ang Florida Bus Terminal sa Sampaloc.

Sa tala ng Manila Police District Station 4, nasa 300 ang bilang ng mga pasahero sa Victory Liner.

Nasa 500 naman ang bilang ng mga pasahero sa Florida Bus Terminal at inaasahang tataas pa ang bilang nito.

Fully booked na rin ang mga biyaheng patungong Tuguegarao, Ilagan, Cagayan, Isabela at Tabuk hanggang Disyembre 30.

Facebook Comments