Dapat na aminin ng gobyerno ang mga pagkukulang nito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo kasabay ng pagpuna sa aniya’y “business-as-usual” lockdowns matapos ang dalawang linggong pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Sa programang Biserbisyong Lenis a RMN Manila, iginiit ni Robredo na nagiging mabagal ang pag-aksyon sa kasalukuyang krisis dahil walang pagtanggap sa kakulangan.
Aniya, hindi man lang napataas ang testing at contact-tracing na dapat sana ay nagawa sa loob ng dalawang linggong ECQ.
Sa nakalipas na araw, nabatid na umabot lamang sa 60,000 ang testing capacity ng bansa at hindi ito sapat dahil nananatiling mataas ang positivity rate.
Sa ngayon, nasa 19 percent pa rin ang positivity rate na dapat ay mapababa pa sa 5 percent.
Bukod dito, binatikos din ng pangalawang pangulo ang pahayag ng Malacañang na readily available at “virtually free” ang COVID-19 tests para sa mga medical at economic frontliners at sa mga taong may sintomas o na-expose sa COVID-19 positive individuals.
Aniya, bagama’t totoong libre ang COVID-19 test sa mga local government unit (LGU), hindi naman lahat ay may access dahil may protocols na sinusunod.
Dagdag pa ni Robredo, dapat ay napataas din ng pamahalaan ang bilang ng mga hospital beds sa panahon ng ECQ at nagbigay ng mas maraming tulong sa mga apektadong pamilya.