Nakuha ng business enterprise na Coffee for Peace sa Davao area ang 2018 Developmental Social Enterprise Awards na taunang iginagawad ng Benita & Catalino Yap Foundation (BCYF) sa mga namumukod tangi na mga business enterprises na nag-iwan ng tatak dahil sa kanilang mga social causes.
Ang Coffee for Peace ay kinilala hindi lamang bilang simpleng income generating program ng Peace Builders Community Inc., kundi dahil sa ambag nito sa informal conflict mediation sa Mindanao.
Kabilang naman sa limang finalist ay ang mga sumusunod:
Beagiver, na nakilala sa proyekto nito na buy one give one o sa bawat pagbili ng kanilang produkto, isang pinakamahirap na bata ang makatatanggap ng libreng bag.
Ang Comavenco, na nagbebenta ng mga agricultural products ay kinilala dahil naman sa pagtulong sa mga vendors na nangangailangan ng panimulang kapital.
Mad travel, na nagbibigay ng extra income sa mga Aetas sa Zambales na nagsisilbing mga local tour guide.
Pamilacan Islands Dolphin and Whale Watching Tours, dahil sa nilikhang pamalit na hanapbuhay kapalit ng pagtalikod ng nga residente sa Pamilacan Island sa Bohol sa gawaing pag-hunting ng mga dolphin.
World Experience Philippines dahil sa pagkakaloob ng trainings sa mga mahihirap na residente ng Baseco at Aplaya sa lungsod ng Maynila na ginawa nilang Smokey tour leaders.
Ang pagggawad ng Developmental Social Enterprise Awards ay kasabay na rin ng isang linggong selebrasyon ng ika-25 taong anibersaryo ng Benita & Catalino Yap Foundation (BCYF).
Ang RMN ay isa sa katuwang ng BCYF.
Ito ay sa pamamagitan ng Chairman and President ng RMN na si Eric Canoy na kabilang sa miyembro ng advisory council ng BCYF.