Business permit ng mga negosyante na hindi magbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, hiniling ng Senado na huwag i-renew

Inihirit ni Senator Raffy Tulfo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na huwag i-renew ang business permit ng mga negosyante na hindi magbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.

Sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment kaugnay sa mga panukala na paglikha ng Magna Carta para sa informal economy at mga freelancer, iginiit ni Tulfo na marami siyang natatanggap na reklamo kaugnay sa mga company business owner na hindi nagbibigay ng 13th month pay sa kabila ng may batas para dito.

Umapela si Tulfo sa DOLE na pumasok sa isang kasunduan sa pagitan ng mga Local Government Unit (LGU) na mag-oobliga sa mga employer sa kanilang nasasakupan na magbigay ng 13th month pay bago mag Disyembre 24 o bago mag-Pasko.


Katapat ng hindi pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado ang non-renewal ng mga business permit.

Para maalerto ang mga employer sa bubuuing kasunduan sa pagitan ng DOLE at mga LGU ay magiisyu muna ng warning o official statement ang ahensya para mabalaan ang mga business employers sa maaaring sapitin sakaling hindi sumunod sa batas na pagbibigay ng 13th month pay.

Ikokonsidera naman ng ahensya ang mungkahi ni Tulfo na huwag pabigyan ng business permit mula sa LGUs ang mga employer.

Iminungkahi rin ni Tulfo ang paglikha ng complaint hotline para sa mga empleyado na hindi nabibigyan ng benepisyo.

Facebook Comments