Business permit ng NLEX, sususpendihin ng Valenzuela kapag bigong makapagsumite ng paliwanag at action plan bukas

Nagbabala si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na sususpendihin ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation kung mabibigo itong ipaliwanag ang nararanasang matinding traffic sa tollway.

Noong Biyernes, matatandaang binigyan ni Gatchalian ng 24 oras ang kompanya na makapagsumite ng action plan at 72 oras para maipaliwanag kung bakit hindi dapat masuspinde ang business permit nito.

Hiniling ng pamunuan ng NLEX na bigyan sila ng 15 araw para makapagsumite ng action plan pero hindi ito pinagbigyan ng sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela.


Paglilinaw ng alkalde, hindi siya tutol sa RFID pero dapat aniyang ayusin ng NLEX Corp. ang sistema ng nasabing teknolohiya na halos pitong taon na niyang inirereklamo.

Giit pa ni Gatchalian, ang business permit ay pribilehiyo na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan sa isang negosyo.

Kaya kung mabibigo ang NLEX na makapagsumite ng paliwanag hanggang bukas, dapat aniyang padaanin ang mga motorista sa toll gate nang libre.

Una nang hiniling ng alkalde sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ire-implement ang number coding at truck ban sa lungsod para mapagaan ang daloy ng trapiko.

Facebook Comments