Manila, Philippines – Simula ngayong araw ay makikita na sa website ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang petisyon ng Maynilad at Manila Water kaugnay ng hirit nilang dagdag-singil.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, lagpas 200 pahina ang business plan o petisyon ng Maynilad habang higit 300 pahina naman ang sa Manila Water.
Apela naman ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat ay gawin lang simple ang business plan ng dalawang water concessionaires para madaling maunawaan ng publiko.
Nasa P11.04 kada cubic meter ang hirit na dagdag ng Maynilad habang P8.30 kada cubic meter naman sa Manila Water.
Kabilang sa gustong ipasa sa consumers ang corporate income tax na P24 bilyon sa Maynilad at P8 bilyon sa Manila Water pero nangako ang MWSS-Regulatory Office na hindi nila ito papayagan.
Hindi rin muna pinayagan ng MWSS-Regulatory Office ang pagpasa sa consumer ng gastos sa gagawing dam na pandagdag sa Angat Dam.
Samantala, posibleng sa katapusan ng Agosto hanggang sa unang linggo ng Setyembre ilalabas ng MWSS-Regulatory Office ang “indicative rate adjustment”.
Dito malalaman kung magkano ang magiging adjustment sa singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water para sa susunod na limang taon.