Nagpahayag ng kahandaan ang business tycoon na si Ramon Ang na ibenta sa gobyerno ang Petron Corporation.
Sa briefing ng House Committee on Ways and Means kaugnay sa price monitoring ng petrolyo at panukalang suspindehin muna ang excise tax sa fuel products, biglang inalok ni Ang ang pamahalaan na bilhin ang Petron kung ito ang makakatulong para masolusyunan ang mataas na presyo ng langis sa bansa.
Sinabi ni Ang na handa niyang ipautang sa gobyerno ang pagbili sa Petron kahit pa sa loob ng limang taon.
Nakahanda rin aniya siyang ibenta ang Petron sa pamahalaan na walang tubo at market valuation lang ang kaniyang kailangan.
Aminado naman ang negosyante na malaki ang kanilang lugi noong nakaraang taon sa simula ng pandemya na umabot sa P18 billion.
Matatandaang isa ang Makabayan bloc sa mga nagsusulong sa Kongreso na maibalik sa pamamahala at operasyon ng pamahalaan ang Petron Corporation.