Inanunsyo ngayon ng PAGASA na muling nagpakawala ng tubig ang Bustos Dam sa Bulacan dahil na rin sa patuloy na pagbuhos ng ulan dala ng Bagyong Kristine.
Ayon sa PAGASA, alas-6 ng umaga kanina ay aabot sa 245 cubic meters per second ang pinakawalang tubig mula sa dalawang gate sa Bustos Dam.
Lumagpas na ito sa spilling level na 17.35 meters at nasa antas na 17.40 meters ang water level.
Paliwanag pa ng PAGASA, dapat maging mapagmatyag ang mga residente na posibleng madaraanan ng tubig baha.
Dahil sa pagpapakawala ng tubig sa naturang mga dam, posibleng maapektuhan ang mga bayan ng Angat, Balagtas, Baliuag, Bocaue at Calumpit sa Bulacan.
Kaugnay nito, nagpapatuloy rin ang pagpapakawala sa lima pang dam sa Luzon, kabilang dito ang Ipo Dam, Ambuklao Dam, Binga, San Roque, at Magat Dam.
Pinayuhan ang mga residente na nakatira sa nabanggit na lugar na maging mapagmatyag at lumikas agad kapag tumaas na ang tubig baha sa kanilang mga lugar.