Manila, Philippines – Inihayag ni Cabinet Secretary Leoncio Jun Evasco na mayroon nang panukala ang Department of Finance (DOF) na magreresulta ng pagbuwag sa National Food Authority.
Sa briefing sa Malacanang ay sinabi ni Evasco na ang panukala ng DOF ay hayaan na ang mga private traders na mag-import ng bigas na hindi na kailangang dumaan sa NFA na pangunahing mandato ng nito batay sa nakasaad sa batas kaya kung maisasabatas aniya ang panukala ay magiging inutil o wala nang saysay ang NFA.
Paliwanag ni Evasco, kapag naisabatas aniya ito ay magiging mahigpit ang pagbabantay ng Department of Trade and Industry o DTI sa presyo ng bigas at dapat ay mayroon na itong Suggested Retail Price para hindi maloko ang mga mamimili.
Mas mura parin kasi aniya ang bigas mula sa ibang bansa kaysa sa nailalabas ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Pero mabubuwag lang naman aniya ang NFA kung mayroon nang sapat na supply ng bigas sa bansa.
Paliwanag naman ni Assistant Secretary Jonas Soriano ng Office of the Cabinet Secretary, pinag-aaralan pa ng NFA Council ang panukala ng DOF pero ang mahalaga ay maging balanse ang murang presyo ng bigas sa merkado at ang kapakanan ng mga magsasaka.