Buwan ng Setyembre, ipinadedeklarang buwan ng pelikulang Pilipino

Ipinadedeklara ni Senator Jinggoy Estrada ang buwan ng Setyembre bilang buwan ng Pelikulang Pilipino.

Sa inihaing Senate Bill 2250 ni Estrada, tatawagin aniyang Buwan ng Pelikulang Pilipino ang pagdiriwang na layong mapalago ang lokal na industriya, mapalawak ang isang bahagi ng creative economy at maitaas ang pamantayan at kalidad ng mga pelikulang Pilipino.

Nakasaad sa panukala na ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang siyang magiging lead government agency para sa selebrasyon ng Philippine Film Industry Month.


Inaatas sa FDCP ang pag-oorganisa ng physical at online festival ng mga bagong kategorya ng pelikula na tatawagin namang “Pista ng Pelikulang Pilipino”.

Dito ay magkakaroon ng isang linggong eksklusibong pagpapalabas ng pelikula sa lahat ng regular na sinehan at streaming websites o platforms na nasa ilalim ng pangangasiwa ng ahensya.

Magkakaroon din ng libreng pagpapalabas ng mga classic na pelikulang Pilipino at mga internationally acclaimed short o feature-length movies sa mga teatro at iba pang katulad na venue na nasa pamamahala ng gobyerno kabilang ang FDCP, Cultural Center of the Philippines at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Facebook Comments