Pinabibigyan ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang mga mangingisda ng fuel voucher na hindi bababa sa P1,000 kada buwan ng pamahalaan ng Department of Agriculture.
Sa inihain ni Lee na House Bill No. 8007 o panukalang “Pantawid Pambangka Act of 2023”, magiging benepisyaryo nito ang mga mangingisdang kabilang sa National Program for Municipal Fisherfolk Registration ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sa ilalim ng panukala ay isasama rin ang mga benepisyaryong mangingisda sa National Health Insurance program ng Philippine Health Insurance Corporation at Social Security System.
Ayon kay Lee, ang mga mangingisda ay palaging kasama sa pinakatinatamaan ng pagtaas ng presyo ng gasolina at ng basic commodities gayundin ng mga kalamidad.
Tinukoy ni Lee na base sa Philippine Statistics Authority 2021 poverty statistics, ang mga mangingisda ang nakapagtala ng highest poverty incidence rate of 30.6% na mas mataas pa sa 26.2% na naitala noong 2018.
Giit ni Lee, malaking tulong na magarantiyahan ang ayuda para sa ating mga mangingisda bilang pagpapahalaga sa kanilang malaking kontribusyon at tulong din na mapataas ang kanilang kita at produksyon na tiyak pakikinabangan ng consumers.