Bago matapos ang buwan ng Marso ay maipapatupad na ang ₱500 na buwanang limitasyon sa diskwento na ipinagkakaloob sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng grocery at iba pang prime commodities katulad ng bigas, itlog, tinapay, at iba pa.
Inihayag ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos ang pulong nya sa mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez.
Nauna rito, ay hiniling ni Speaker Romualdez ang pagtataas sa 5 porsyentong diskwento sa grocery items na nakukuha ng mga seniors at PWDs na limitado lamang sa P65 kada linggo.
Nilinaw naman ni Usec Sanchez na ang kasama lamang sa binibigyan ng diskwento ay ang mga pangunahing bilihin at prime commodities gaya ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, maliban sa mga medical grade milk.
Binanggit din ni Sanchez ang mga manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef pero hindi kasali ang mga premium brands.
Kasama din aniya sa bibigyan ng diskwento ang mga pangunahing construction supplies gaya ng semento, hollow blocks, electrical supplies kasama ang bombilya.