Inihayag ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na nakahanda nilang ipamahagi ang huling P500.00 na pensyon ng mga senior citizen bago matapos ang taon.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, naglaan sila ng higit P120 milyon na pondo para sa social amelioration ng mga senior citizen na residente ng Maynila.
Matatanggap ng nasa 40,633 na mga senior citizen ang pera sa pamamagitan ng PayMaya habang ang mga tauhan naman ng lokal na pamahalaan ang mamamahagi nito sa mga walang hawak na PayMaya cards.
Napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan na agad na ipamahagi ang pensyon ng mga senior citizen bago matapos ang taon upang mapakinabangan ito lalo na ngayong holiday season.
Ang P500 na buwanang pensyon ay kasunod ng ipinasang City Ordinance No. 8565 na naglalayong mabigyan ng nasabing halaga ang mga senior citizens, solo parents at persons with disabilities (PWDs).
Nabatid na naglaan na rin ang lokal na pamahalaan ng higit P1.9 milyon na pensyon para sa mga solo parents at higit P3.2 milyon na pensyon para sa PWDs.