Manila, Philippines – Inirekomenda ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa Bureau of Internal Revenue na i-assess ng ahensya kung nagbabayad ng tax ang importer at warehouse owner kung saan nakita ang 6.4 Billion na iligal na droga na pinalusot ng Bureau of Customs.
Ang mungkahing ito ay ginawa ni Batocabe sa gitna ng inilalatag na committee report ng House Committee on Ways and Means kaugnay sa isinagawang imbestigasyon tungkol sa nakalusot na kontrabando.
Ayon kay Batocabe, dapat na isama sa rekomendasyon ng komite na imungkahi sa BIR na i-asses ang ibinabayad na tax ng importer na EMT Trading at ng warehouse owner na si Richard Chen.
Paliwanag ni Batocabe, kapag may pumapasok na income ay automatic dapat ang pagbabayad ng tax lalo na kung hindi malinaw na deklarado kung ano ang negosyo o mga produktong ipinapasok sa bansa.
Sinabi ni Batocabe na mas malaki ang tsansang may makasuhan kung nakikita sa assessment kung nagbabayad ba ang mga ito ng buwis sa gobyerno.
Inihalimbawa pa ni Batocabe ang kaso ni Al Capone na isang lider ng organized crime group sa Amerika na nakulong dahil sa hindi pagbabayad ng tax sa kabila ng iba’t ibang krimeng kinasangkutan nito.
Tinanggap naman ng komite ang suhestyon ni Batocabe at pinag-aaralan na ng Ways and Means ang paghahabol sa buwis ng mga sangkot sa pagpapalusot ng illegal drugs.