Pinatataasan ng mayorya sa Kamara ang buwis sa mga bisyo upang maibaba naman ang tax sa mga produktong petrolyo.
Partikular na pinadadagdagan ng Kamara ang sin taxes sa mga alak at sigarilyo.
Giit ng ilang kongresista, ito ang “dagdag-bawas” na makakatulong sa publiko kung saan babawasan ang buwis sa petroleum products habang babawiin naman ito sa dagdag na buwis sa mga bisyo.
Batay sa data ng Department of Finance (DOF), pinapakita ang potensyal ng sin taxes na mabawi ang posibleng pagkalugi kapag sinuspinde o binawasan ang buwis sa fuel.
Katunayan, kahit nasa gitna tayo ng pandemya ay tumaas pa ang sin tax collection sa P227.6 billion sa 2020 mula sa P224.6 billion noong 2019.
Mahigit pa ito sa P201.5 billion target ng ahensya.
Maliban sa alak, inirerekomenda rin ng Mababang Kapulungan na dagdagan ang buwis sa sweetened beverages o matatamis na inumin upang makadagdag sa revenue ng pamahalaan.