Buwis sa imported pork, dapat ibalik na sa 20-30 percent

Sa pagbubukas ng Kongreso sa susunod na linggo ay plano ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na muling isulong na maibalik sa 20 hanggang 30 porsyento ang taripa o buwis na ipinapataw sa inaangkat na karne ng baboy.

Layunin ng hakbang ni Pangilinan na masuportahan at mabigyan ng konting laban ang ating mga magbababoy dahil aniya sa halaga ng taripa ngayon sa imported pork ay tanging mga mga importers lang ang nakikinabang at masaya.

Katwiran ni Pangilinan, Hindi naman natupad ang pangako ng gobyerno na kapag ibininaba ang buwis sa imported pork ay bababa din ang presyo nito sa merkado.


Diin ni Pangilinan, tatlong buwan na nang ibinaba ang taripa sa baboy, pero mataas pa rin ang presyo ng nito sa palengke at hirap pa rin ang mga Pilipinong magbababoy.

“Tatlong buwan na nang ibinaba ang taripa sa baboy, pero mataas pa rin ang presyo ng baboy sa palengke, at hirap pa rin ang mga Pilipinong magbababoy,” sabi ni Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, ngayon ay nasa P380 pa rin ang presyo kada kilo ng baboy na malayo pa rin sa P240 na presyo kada kilo nito bago manalasa sa bansa ang African Swine Fever (ASF).

“Mukhang nakalista sa tubig ang pangakong bababa ang presyo ng baboy,” dagdag pa ng senador.

Ipinaliwanag pa ni Pangilinan na dahil sa ibinabang taripa sa imported pork ay umabot din sa P11.2 billion ang nawalang koleksyon ng gobyerno ngayong taon na nagamit sanang pag-ayuda sa mga hog raisers na labis na naapektuhan ng ASF.

Facebook Comments