Umapela si House Committee on Creative Industry and Performing Arts Chairman Christopher de Venecia na pansamantalang suspindihin muna ang buwis na ipinapataw sa mga lokal na pelikula.
Kasabay nito ay ikinalugod din ng kongresista ang desisyon ng pamahalaan na buksan na muli ang mga sinehan bunsod na rin ng pagsasailalim ng National Capital Region (NCR) sa Alert Level 3 dahil sa pagbaba ng mga naitatalang COVID-19 cases sa rehiyon.
Paliwanag ni De Venecia, malaking kabawasan sa kikitain ngayon ng mga Local Film Production Outfits ang buwis na ipapataw lalo pa’t ang movie at entertainment industry ang isa sa sektor na pinakaapektado ng pandemya.
Kung sususpindihin muna ang koleksyon ng buwis sa mga lokal na pelikula, matutulungan aniya ang mga kompanya na makabangon mula sa mga nawalang kita gayundin ang makagawa ng marami pang pelikula at mabigyan muli ng trabaho ang mga dating empleyado.
Ang hirit din na ito ay nakapaloob sa inaprubahang House Bill 8428 sa committee level na layong bigyan naman ng dalawang taong suspensyon sa koleksyon ng amusement taxes ang creative arts sector.