Buwis sa mga matatamis na inumin, wala pa sa kalahati ang target na dapat na nakokolekta ng gobyerno

Manila, Philippines – Inamin ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara na hindi nakamit ng gobyerno ang target na koleksyon sa excise tax ng sweetened beverages.

Sa ulat ng DBM sa House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Representative Joey Salceda, sinabi ng DBM na simula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon ay nasa P14.9 billion lamang ang nakolekta ng pamahalaan na malayo sa projected revenue kada taon na P52 billion.

Dahil dito, dismayado si House Ways and Means Senior Vice Chairman Estrelita Suansing sa performance ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagkolekta ng excise tax sa sweetened beverages.


Napabayaan aniya ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga kumpanya na mag-register ng kanilang produkto online kaya hindi natitingnan kung tama ang deklarasyon ng mga ito may kaugnayan sa sweetened content.

Aminado naman ang FDA na wala silang kakayahan na ma-detect ang hi-fructose corn syrup na pinapatawan ng dobleng buwis kumpara sa local sugar na ginagamit sa mga matatamis na inumin.

Wala aniya silang kagamitan at kakayahan para masukat ang ibang sugar content na nasa merkado at sa ngayon ay isang makina lang ang gamit ng ahensya upang masuri ang dami ng sugar na inilagay sa produkto.

Facebook Comments