Iminungkahi ni Committee on Appropriations Vice Chairperson at BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co na tapyasan ang lahat ng buwis na ipinapataw sa produksyon ng ating mga pelikula at mga stage play.
Paliwanag ni Co, ang ganitong hakbang ay tiyak na magreresulta ng pagbaba sa halaga ng ticket para sa mga pelikula at stage play at tiyak dadami ang mga Pilipino na tatangkilik dito.
Ayon kay Co, ang pagdagsa ng mga manonood sa mga sinehan at teatro para sa mga stage play ay tiyak makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya lalo na ng entertainment industry.
Dagdag pa ni Co, ang pagpapasigla sa local entertainment industry ay siguradong magbibigay rin ng mga trabaho lalo na sa mga performing artists.
Diin ni Co, mas mainam ang kanyang suhestyon sa halip na ipagbawal sa bansa ang mga dayuhang pelikula at mga palabas tulad ng mga Korean drama.