Inihayag ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na ipapasok ng Senado sa 2022 national budget ang ‘Buy Filipino’ provision.
Ayon kay Angara, ito ay para maiprayoridad ang pagbili ng mga produkto na gawa ng mga Pilipino sa halip na bumili ng imported.
Sabi ni Angara, layunin nito na hindi na maulit ang ginawa ng Procurement Service of the Department of Budget and Management o PS-DBM na pagbili ng mga imported na pandemic supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation sa halip na tangkilikin ang gawa ng local manufacturers.
Umaasa naman si Angara na hindi ibi-veto ng Malacañang ang ‘Buy Filipino’ provision.
Kaugnay nito ay hinihingi ni Angara ang tulong ni Trade Secretary Ramon Lopez para hindi iyon i-veto dahil mismong si Lopez ay nagmungkahi rin ng ‘Buy Filipino’ policy bilang leksyon mula sa naging transaksyon ng PS-DBM at Pharmally.