Cauayan City, Isabela- Walang nangyayaring ‘planting of evidence’ sa mga isinasagawang drug buybust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Lalawigan ng Isabela.
Ito ang iginiit ni Agent Giovanni Alan, Provincial Officer ng PDEA Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Kanyang sinabi na lehitimo ang kanilang operasyon at hindi ‘planted’ ang mga nakukumpiskang ebidensya gaya ng mga ipinagbabawal na gamot at illegal na droga mula sa mga suspek na taliwas sa mga sinasabi ng ilan na madalas ay ‘planted’ ang buybust operation ng PDEA at PNP.
Patunay aniya ang kanilang mga suot na body camera na matagal nang naging mandato sa mga operatiba ng PDEA.
Ito’y para matanggal aniya ang duda ng taong bayan at magkaroon din ng ebidensya at basehan ang mga operatiba sakaling sila ay ireklamo o idemanda.
Ayon pa sa opisyal, maingat sila sa kanilang ikinakasang operasyon at magpapatuloy pa rin ang kanilang mahigpit na monitoring katuwang ang mga kapulisan sa probinsya upang tuluyang masugpo ang problema sa illegal na droga.