
Iminungkahi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na “by phase” at sa gabi lang isagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang rehabilitasyon sa EDSA.
Naniniwala si Tolentino na dating nagsilbing MMDA chairman, na sa ganitong paraan ay maiiwasan ang matinding abala sa mga motorista, negosyo at ekonomiya.
Giit ni Tolentino, mahalaga na may maingat na pagpaplano at sensitibong pagsasaalang-alang sa daloy ng trapiko at kabuhayan ng mamamayan sa pagsisimula ng rehabilitasyon ng EDSA sa susunod na buwan.
Sinabi ni Tolentino na suportado niya ang rehabilitasyon ng EDSA sa tamang panahon pero dahil masasabay ito sa pasukan at pagpasok ng tag-ulan tiyak na maraming motorista ang mahihirapan.
Dalawang taon anyang tatagal ang rehabilitasyon kaya mainam na hatiin sa limang section ang pagrehabilitate sa edsa… ito ay ang EDSA Pasay; EDSA Makati- Guadalupe; EDSA Ortigas; EDSA Cubao; at EDSA Caloocan.
Inirerekomenda rin ni Tolentino na gawin mula alas dyes ng gabi hanggang alas singko ng umaga ang rehabilitasyon ng EDSA.









