Bypassed positions sa COMELEC, COA at CSC, bakante na simula bukas ayon sa isang kongresista

Simula bukas, June 4 ay mababakante na ang mga posisyon sa Commission on Elections o COMELEC, Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC) na na-bypass ng Commission on Appointments.

Ito ay nilinaw ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez at sinabi nito na hindi sa June 30 mababakante ang mga naturang posisyon.

Paliwanag pa ni Rodriguez, ito ay nakasaad sa saligang batas at sa panuntunan ng CA kung saan ang mga naturang posisyon ay mababakante oras na mag-adjourn ang Kongreso.


Bagama’t aniya isinara na ng Senado at Kamara ang sesyon noong Miyerkules, June 1, ang official adjournment ng Kongreso batay sa legislative calendar ay ngayong araw, kaya’t ngayon ang huling araw ng mga nasabing opisyal.

Naniniwala rin ang kongresista na hahayaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mamili ng papalit sa mga nabakanteng pwesto.

Aniya, salig na rin sa panuntunan ng CA ang presidential appointment ay maaaring regular o permanent o ad interim.

Ang regular appointments ay ibinababa kapag in-session ang Kongreso habang ang ad interim appointments ay ibinababa habang naka-recess ang Kongreso.

Facebook Comments