Manila, Philippines – Nagbigay na ng go signal ang gobyerno para ipatayo ang 2.5 kilometer elevated expressway mula circunferential road o C-3 sa Caloocan hanggang sa radial road o R-10 sa Navotas.
Ayon kay Manila North Tollways Corporation President Rodrigo Franco – natanggap na nila ang construction notice para maumpisahan ang proyekto.
Layon ng elevated expressway na pabilisin ang biyahe mula sa port area patungo sa mga hilagang probinsya sa Luzon sa pamamagitan ng North Luzon Expressway (NLEX).
Sinabi ni Franco – makakatulong ito para mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa Edsa at ilan pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Kapag natapos ang proyekto, aabutin na lamang ng 10 minuto ang biyahe mula Manila Ports hanggang NLEX.
Umaasa silang masisimulan na ng konstruksyon sa bago matapos ang taon.