Masuwerteng nakaligtas ang 122 pasahero at crew matapos masunog ang sinasakyan ng mga itong C130 Hercules cargo aircraft na papalipad na sana mula sa Clark Air Base sa Angeles City, Pampanga patungo sa Pagasa Island.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) Spokesman Major Aristides Galang, dakong alas – 7:10 ng umaga nang mangyari ang insidente.
Ang C130 plane ay may lulang 115 pasahero na karamihan ay mga opisyal ng militar na kasalukuyang schooling sa MNSA ( Master in National Security Administration ) at pitong crew ng aircraft.
Sinabi ni Galang na sa loob ng dalawa hanggang limang minuto ay papalipad na ang cargo plane nang biglang may nasusunog sa bahagi nito .
Ang nasabing aircraft ay maghahatid sana sa mga nagi-schooling na opisyal ng militar sa National Defense College of the Philippines (NDCP) patungong Palawan bilang bahagi ng curriculum ng mga ito nang mangyari ang insidente.
Agad namang nagresponde ang firetruck ng PAF na mabilis na inapula ang apoy bago tuluyang matupok ang cargo plane kung saan bandang alas -7:36 na nang ma-fireout na ang sunog.
Maayos namang nakalabas ang mga pasahero at crew ng eroplano na tinulungan ng mga rescuers.
Sinabi ni Galang na mabuti na lamang at naagapan ang sunog sa ‘holding point’ sa bandang dulo ng eroplano at walang nasaktan sa mga pasahero at maging sa mga crew nito.
Kaugnay nito, ipinagutos na ni PAF Chief Lt. Gen. Rozzano Briguez ang imbestigasyon sa insidente.