Nakakuha na ng kumpirmasyon mula sa Commission on Appointments (CA) sina Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos kahapon.
Kasunod ito ng isinagawang interpellation ng mga miyembro ng naturang komisyon.
Dito ay iginiit muli ni Remulla ang panukala nitong palawakin ang mandato ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) na hindi lamang tututok sa pagbawi sa ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos.
Tiniyak din ng kalihim na pabibilisin ng kagawaran ang paghatol kay Senator Leila de Lima laban sa isinampa sa kaniya na drug-related cases.
Nilinaw naman ni Abalos na ang lahat ng operasyon ng DILG ay sasang-ayon sa batas at sisilipin ang mga ugat ng nagpapatuloy na giyera kontra droga upang mapuksa ito.
Samantala, na-defer naman ang kumpirmasyon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma upang sumailalim sa karagdagang tanong kasunod ng mga akusasyong isa siyang “union-buster”.