Inamin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hindi tugon o hindi solusyon sa nangyaring technical glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang emergency procurement ng dalawang panibagong Uninterrupted Power Supply (UPS).
Sa kabila kasi ng paglilinaw ng CAAP na hindi ang power source ang nagkaproblema para maparalisa ang operasyon ng NAIA noong Bagong Taon, pinuna ni Senate President Pro-tempore Loren Legarda na nakalagay pa rin sa rekomendasyon ang agarang pagbili ng dalawang UPS.
Paliwanag ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo, ang plano para ituloy ang pagbili ng dalawang UPS ay nangyari matapos na maipasuri ng CAAP sa manufacturer ang power source at ang circuit breaker na siyang natukoy naman na pinagmulan ng problema sa pagkaparalisa sa operasyon ng NAIA.
Batay sa pagsusuri ng manufacturer, ang isa sa UPS ay maayos pa pero ang isa ay nakitang sira na ang fan ng motor.
Ang lifespan din ng dalawang lumang UPS ay pitong taon pero maaari pa itong tumagal ng hanggang sampung taon.
Magkagayunman, nakakapitong taon na ang mga lumang UPS kaya kahit hindi ito ang dahilan ng aberya, depensa ng CAAP ay nasa critical na rin ang mga kagamitan na kailangan ng mapalitan.
Sa kabilang banda, hindi pa rin naman matukoy ang nangyaring oversupply ng enerhiya sa isa sa mga circuit breakers ng air traffic management system na siyang itinuturong dahilan ng technical glitch.
Ayon pa sa CAAP, isasailalim pa sa forensic examination ang nasirang circuit breaker para malaman ang dahilan ng pagtaas ng voltage sa 380 volts na dapat sana ay nasa 220 volts lamang.