Binalaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang publiko hinggil sa mga nanghihingi ng donasyon para sa mga naapektuhan ng bagyong Tisoy gamit ang pangalan ng kanilang ahensiya.
Ayon sa CAAP, ginagamit mismo ng grupo sa panghihingi ng pera at iba pang tulong ang pangalan ng kanilang director general na si Captain Jim Sydiongco na hindi naman ipinag-utos nito.
Kumakalat ang nasabing grupo sa ilang lugar sa Metro Manila at karamihan na hinihingan ng mga ito ang ilang mga kilalang negosyante.
Nilinaw ng CAAP sa publiko at sa kanilang mga stakeholders na walang kinalaman ang kanilang director general sa naturang gawain at kanilang iginiit na sinasamantala lamang daw ng mga pekeng grupo ang sitwasyon ng mga nabiktima ng bagyong Tisoy.
Sakali naman maka-encounter ng ganitong uri ng panghihingi na ginagamit ang pangalan ng CAAP, maaaring tumawag sa numerong (02) 879-420-21 o kaya ay mag-email sa corporatecommunication@caap.gov.ph.