Bumili na ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ng dalawang bagong uninterruptible power supply o UPS bilang bahagi ng short term measures na pipigil na maulit muli ang nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA nitong January 1.
Sinabi ito ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Transportation na pinamumunuan ni Antipolo 2nd District Representative Romeo Acop.
Sabi ni Tamayo, nitong January 5 nila madaliang nabili ang dalawang UPS at kasalukuyang ikinakabit na at napalitan na rin ang nasirang circuit breaker na siyang naging sanhi ng ilang oras na shutdown ng airspace ng bansa.
Binanggit ni Tamayo na nakapagpulong na rin ang CAAP at Department of Transportation sa system supplier para naman sa planong pag-bili ng Communications, Navigation and Surveillance / Air Traffic Management System o CNS/ATM back-up at redundancy system.
Ayon kay Tamayo, nagkakahalaga ito ng P139 million na nakapaloob sa 2023 National Budget at inaasahang maisasapinal sa unang quarter ng 2023.