CAAP, DFA at DOLE, muling kinalampag para sa mabilis na pagpapauwi sa mga stranded na OFW

Kinalampag muli ni House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) na dagdagan na ang mga flight para sa repatriation ng mga stranded na Overseas Filipino Workers (OFW).

Ayon kay Defensor, dalawang linggo na matapos ang pagdinig ng Kamara para sa mabilis na pagpapauwi sa mga OFW ay wala pa siyang update na natatanggap dito.

Paalala ng kongresista sa mga ahensya ng gobyerno, nangako ang mga ito na makikipag-ugnayan sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa arrangement ng dagdag na repatriation flights upang makauwi na sa bansa ang nasa 100,000 OFW na stranded pa rin hanggang ngayon sa mga host countries mula nang magsimula ang COVID-19 outbreak.


Iginiit ng mambabatas na ngayong niluwagan na ng IATF ang travel restrictions ay inaasahan niya ang mas maraming inbound planes, commercial man o charter flights, na may sakay na mga OFW.

Sa nakalipas na pagdinig din ay inihayag ng DFA na may 167,000 na mga OFW ang naghihintay para sa kanilang repatriation habang sa report ng DOLE ay aabot sa 60,000 Filipino workers na ang nakauwi ng Pilipinas.

Kasama rin sa mga iuuwi ng bansa ay ang 300 labi ng mga kababayang nasawi mula sa Saudi Arabia.

Pinamamadali rin ng mambabatas ang repatriation ng 16,000 OFWs na may plane tickets at exit permits na mula sa mga employers at sa host country at naghihintay na lamang ng go-signal na mapauwi ng bansa.

Facebook Comments