Humingi ng paumanhin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Senado sa ‘late’ na pagbibigay ng update sa nangyaring technical glitch sa air traffic management system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Bagong Taon.
Sa pagdinig ng Committee on Public Services patungkol sa naging aberya sa NAIA noong Enero 1, sinita ni Senator Jinggoy Estrada kung bakit January 9 lang nakapagbigay ng update ang CAAP sa Senado kaugnay sa totoong naging sira o damage sa system.
Sinabi ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo na parehong araw rin nila nalaman o noong January 1 na isa sa mga circuit breaker ng air traffic system ang nagkaproblema at hindi ang Uninterrupted Power Supply (UPS) tulad ng unang lumabas sa mga balita.
Pero puna ni Estrada kung noong unang araw na nagkaaberya ay circuit breaker pala ang may problema at hindi ang UPS ay bakit ngayon lamang ito naipagbigay alam sa Senado at umabot pa ng walong araw para maiparating na iba pala ang naging problema.
Tahasang tinanong ni Estrada si Tamayo kung “incompetent” o wala ba itong kakayahan at ang naging tugon ng CAAP official ay ang paghingi ng paumanhin nito sa mga senador.
Maging sa pagsisimula ng pagdinig ay paghingi ng paumanhin sa publiko ang naging bungad ni Tamayo kasabay ng pag-ako ng responsibilidad sa nangyaring insidente.