Nagturuan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Manila International Authority of the Philippines (MIAA) at Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) sa isinagawang imbestigasyon ng Senado patungkol sa alegasyon ng ‘human smuggling’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nangyari noong February 13.
Sa joint hearing ng Senate Blue Ribbon Committee, Public Order at Public Services, nagturuan ang mga inimbitahang opisyal ng mga nabanggit na tanggapan sa isyu na kung papaano nakalipad ang private plane gayong may isang pasahero na naisakay na hindi dumaan sa masusing inspeksyon ng mga awtoridad.
Sinabi ni CAAP acting Director General Capt. Manuel Antonio Tamayo, ang PNP-AVSEGROUP na kasama sa magbibigay ng aircraft exit clearance bago payagang makalipad ang eroplano at ang may hawak o hurisdiksyon sa Tarmac o sa area na pinagpaparadahan ng mga eroplano ay MIAA.
Ayon kasi kay Air Traffic Control Head Asst. Director General Marlene Singson, wala silang natanggap na tawag ng gabing iyon mula sa PNP-AVSEGROUP para pigilan ang paglipad ng private plane.
Pero ayon kay PNP-AVSEGROUP Chief Aviation Security Unit Col. Rhoderick Campo, wala naman silang direktang contact sa air traffic control kaya tinawagan niya si CAAP Acting Intelligence and Investigation Division Chief Security retired BGen. Dionisio Robles para tanungin dito upang mapigilan ang pag-alis ng chartered plane.
Nang masagot naman ni Robles ang tawag ni Campo, pinayuhan nito na agad makipag-ugnayan sa MIAA dahil hurisdiksyon nila ito at hindi ng CAAP.
Sinubukan ding makipag-ugnayan ni Robles kay MIAA Asst. General Manager ret. Bgen. Manuel Gonzales pero umaga na nang makita nito ang mga mensahe at miscalls at posibleng palapag na sa Dubai ang private plane.
Dismayado si Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino sa mistulang ‘helpless’ na sitwasyon at turuang nangyari sa pagitan ng CAAP, MIAA at PNP-AVSEGROUP.
Malinaw aniya na putol at hindi malinaw ang ‘chain of command’ dahil kapag wala na sa area ay wala na ring deputy o kapalit na magmamando o matatakbuhan sakaling magkaroon ng emergency o kahalintulad na insidente.