CAAP, naglabas ng NOTAM kaugnay ng debris mula sa Chinese rocket launch

Naglabas ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen (NOTAM) sa posibleng pinsala ng bumabagsak na falling debris mula sa Chinese rocket launch.

Kasunod ito ng kumpirmasyon ng Philippine Space Agency (PhilSA) hinggil sa paglulunsad ng China ng Long March 8A rocket mula sa Hainan Commercial Launch Site sa Wenchang kahapon, July 30, 2025.

Batay sa tracking data, ang unburned rocket debris ay posibleng bumagsak sa dalawang Philippine territory.

Isa ay sa tinatayang 120 nautical miles southeast ng Puerto Princesa, Palawan, habang ang isa ay sa 42 nautical miles mula sa Zamboanga City, Zamboanga del Sur.

Kaugnay nito, ang NOTAM ng CAAP ay epektibo sa August 4 mula 6:14 PM hanggang 6:42 PM, kung saan sakop nito ang 40 nautical miles southeast ng Puerto Princesa Airport, mula surface level hanggang unlimited altitude.

Pinapayuhan ng CAAP ang airlines at mga piloto na iwasan ang mga nabanggit na lugar at maging maingat sa nasabing oras.

Facebook Comments