CAAP, nagpadala na ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board Authorities sa Tuguegarao City para imbestigahan ang bumagsak na Cessna plane matapos kumpirmahing natagpuan sa Luna, Apayao

Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines o (CAAP) na agad nilang uumpisahan ang imbestigasyon matapos matukoy ang kinaroroonan ng bumagsak na Cessna 152 aircraft na nawawala noong August 1.

Ayon sa CAAP, matapos ang dalawang araw na puspusang paghahanap ng search and rescue team ay natukoy na nila ang kinaroroonan ng Cessna plane na may Registry No. RP-C8598 sa Sitio Matad Barangay Salvacion, Luna, Apayao.

Ang naturang crash site ay malapit lamang sa huling position ng naturang maliit na eroplano na tinukoy ng CAAP-Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center sa isinagawang emergency briefing ng Cagayan Valley Disaster Risk Reduction Management Council.


Kung maalala ang Cessna 152 aircraft na mayroong Filipino flight instructor at Indian national student pilot ay nag-take off sa Laoag International Airport dakong alas-12:16 ng hapon noong Martes na patungong Cauayan Airport at Tuguegarao Airport, pero hindi na nakarating sa Cauayan Airport.

Nakapag-transmit ang aircraft ng last position report na tinatayang nasa layong 32 nautical miles northwest ng Alcala, Cagayan dakong ala-1:00 ng hapon ng parehong araw.

Facebook Comments