CAAP, nakahanda na sa posibleng epekto na dala ng #AmangPH sa mga paliparan

Mahigpit na binabantayan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang Bagyong Amang at ang potensyal na epekto nito sa mga paliparan sa rehiyon ng Bicol, Northern Samar at hilagang bahagi ng Eastern Samar.

Nagpaplano na rin ang ang ahensya ng mga contingency plan nito para sa matinding lupiy ng panahon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga pasahero at tauhan ng paliparan kung sakaling magkaroon ng abala sa paglipad dahil sa tropical depression.

Nakikipag-ugnayan din ang awtoridad sa mga operator ng eroplano at iba pang kinauukulang ahensya upang mabawasan ang panganib at epekto, at matiyak ang mahusay na pagpapatuloy ng mga operasyon ng paglipad kapag pinahihintulutan ng kondisyon ng panahon.


Bilang bahagi ng paghahanda, ang CAAP Area Center 5 sa pangunguna ni Area Manager Cynthia M. Tumanut ay nagsagawa ng mga inspeksyon sa mga pasilidad ng paliparan sa Bicol, Bulan, Sorsogon, Daet, Masbate, Naga, at Virac, gayundin ang kanilang mga kagamitan upang matiyak ang kahandaan para sa anumang mga pangyayari.

Mahigpit ding binabantayan ng awtoridad ang weather updates at advisories mula sa PAGASA, at magbibigay ng updates sa publiko kung kinakailangan.

Samantala, pinaalalahanan ng CAAP ang publiko na manatiling may kaalaman at sundin ang mga tagubilin ng mga tauhan ng paliparan at mga airline operator, partikular sa mga kaso ng mga pagkansela o pagkaantala ng flight.

Facebook Comments