CAAP, tiyak na magigisa bukas sa imbestigasyon ng Senado

Nagbabala si Senator JV Ejercito na gigisahin sa imbestigasyon ng Senado ngayong Huwebes ang mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil sa nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Enero 1.

Giit ni Ejercito, ang CAAP ang siyang responsable sa pangangasiwa ng air traffic system ng paliparan kaya responsibilidad nila ito.

Aalamin ng senador kung gaano katotoo na walang technician at nahahagilap pa nang mga panahong nangyari ang pagpalya ng system.


Dapat aniyang may protocol dito lalo’t holiday at maraming pasahero ang inaasahang babyahe ng araw na iyon.

Bukod aniya sa perwisyo sa mga pasahero, mayroong implikasyon sa seguridad ng bansa ang nangyaring system glitch lalo’t bulag ang CAAP sa mga pumapasok sa airspace ng bansa dahil sa technical problem.

Naniniwala rin ang mambabatas na wala sa budget ang problema ng CAAP dahil lahat naman aniya ng hiniling ng CAAP sa bawat budget deliberation ay ibinibigay nila para makabili ng bagong kagamitan.

Tinukoy pa ng senador na may sariling kita rin ang CAAP kaya hindi masasabi na kulang sila sa pondo.

Facebook Comments