Friday, January 30, 2026

CAB, ipinaliwanag sa publiko ang mga basehan ng airfare rates

Ipinaliwanag sa publiko ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang mga basehan ng presyo ng pamasahe sa eroplano para sa mga domestic destination.

Ito ay kasunod ng mga reklamo ng pasahero kaugnay ng umano’y mataas na pamasahe sa ilang domestic flights.

Sa pahayag ng CAB, ipinaliwanag na ang presyo ng airline ticket ay pangunahing nakadepende sa laki ng eroplano at sa bilang ng pasaherong maaari nitong isakay.

Ayon sa ahensya, kung mas malaki ang eroplano at mas marami ang kapasidad ng pasahero, mas bumababa ang presyo ng pamasahe kada upuan.

Bilang halimbawa, binanggit ng CAB ang Airbus A330 na ginagamit sa malalaking paliparan tulad ng Cebu, Davao, at General Santos City, na may kapasidad na hanggang 459 pasahero.

Samantala, ang mga turboprop aircraft gaya ng ATR-72 ay may kapasidad lamang na humigit-kumulang 72 pasahero, kaya mas mataas ang airfare sa ganitong uri ng biyahe.

Ipinaliwanag din ng CAB na ang ilang paliparan sa bansa—tulad ng Catarman, Siargao, Antique, at Busuanga—ay maaari lamang gamitin ng maliliit na turboprop aircraft dahil sa maiiksi ang mga runway.

Tiniyak naman ng Department of Transportation (DOTr) at ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tinutugunan na ang isyu sa pamamagitan ng pagpapahaba ng mga runway upang makapag-operate ang mas malalaking jet aircraft.

Facebook Comments