
Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagkaroon na ng cracks o mga bitak sa Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela bago pa man ito bumagsak noong Pebrero 27.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni DPWH Usec. Eugenio Pipo na mayroong cracks na natuklasan partikular sa 8th span ng tulay na agad namang pina-retrofit o isinaayos noong Mayo 2023.
Magkagayunman, sinita ni Senator Alan Peter Cayetano nang malaman na gobyerno ang nagbayad ng retrofitting gayong dapat ay sagot ito ng contractor dahil pasok pa sa warranty.
Giit ni Cayetano, hindi ba isang anomalya ito dahil pamahalaan ang pinagbayad at ginawang bagong kontrata ang pagsasaayos ng mga bitak sa tulay gayong wala pa itong 15 taon.
Sinabi pa ng mambabatas na sa kanyang pagkakaalam, ang retrofitting ay kung nagkaproblema sa orihinal na pinagawa o nag-a-upgrade pero sa kaso ng cracks sa tulay ay binabalikan lang ang problema at hindi ang gobyerno ang dapat na magbayad nito.
Hindi naman ito direktang masagot ng opisyal at ayon kay Pipo, bumuo sila ng komite na hiwalay sa ahensya na nag-iimbestiga sa insidente para malaman ang tunay na sanhi ng pagbagsak ng tulay.