Naglatag ang Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Energy (DOE) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng mga plano at programa sa ginanap na cabinet meeting sa Malacañang, kaninang umaga.
Ilan dito ang condonation ng bayad para sa amortization fees at interest sa ARB loans, pagbibigay ng credit assistance, legal na tulong para sa land disputes, at pamamahagi ng makabagong farm equipment.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, nagbigay rin ng status report ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), patungkol naman sa patuloy na ginagawang pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra at naramdaman din sa iba’t ibang lugar sa Luzon.
Dagdag pa ng kalihim na hindi naman kabilang sa mga natalakay ngayong araw ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China.
Ito’y matapos ang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan, na hindi nagustuhan ng China.
Pero, muling tiniyak ng kalihim na naka-monitor ang gobyerno sa pinakahuling development sa usaping ito para na rin sa kapakanan ng mga Pilipino sa Taiwan.