Cabinet members at mga matataas na opisyal ng militar at pnp, hindi dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pag-aresto kay FPRRD

Hindi sinipot ng mga inimbitahang cabinet members at executive officials ang ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations patungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung matatandaan, sumulat si Executive Secretary Lucas Bersamin kay Foreign Relations Chairman Senator Imee Marcos na hindi dadalo ang mga miyembro ng gabinete matapos igiit ang executive privilege at subjudice rule.

Kabilang sa cabinet members at executive officials na hindi humarap sa ikalawang pagdinig ng komite sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, National Security Adviser Chief Eduado Año, Defense Secretary Gibo Teodoro, Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, OWWA Administrator Arnel Ignacio at Philippine Center on Transnational Crime Executive Director LtGen. Anthony Alcantara.

Hindi rin dumalo sa pagdinig sina Philippine National Police (PNP) Chief Pgen. Rommel Marbil, PNP-CIDG Director PMGen. Nicolas Torre III at PRO3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo, Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Ret.LtGen. Raul del Rosario at Airforce Commanding General LtGen. Arthur Cordura.

Sinabi naman ni Sen. Marcos na unang kinumpirma nina Año, Alcantara at DILG Sec. Remulla na haharap sila sa pagdinig subalit kahapon ay nagpaabiso na hindi na makahaharap ngayon sa imbestigasyon.

Nauna namang ipina-subpoena ng komite sina Cordura at National Prosecution Service Prosecutor General Richard Anthony Fadullon dahil sa hindi pagdalo sa naunang pagdinig subalit sinabi naman ni Senate President Chiz Escudero na sa halip na sa Office of Sergeant at Arms isumite ay ipinaaral muna niya sa legal ng Senado kung ano ang epekto ng pag-invoke ng executive privilege kaugnay sa mga subpoena na nalagdaan niya na.

Dahil hindi humarap ang cabinet members at executive officials sa pagdinig ay nagmosyon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ipa-subpoena ang mga ito na hindi pa naaprubahan sa mga oras na ito ng komite.

Facebook Comments