Hinamon ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang PANGULO at ang gabinete nito na subukang mamuhay sa loob ng dalawang linggo na P1,000 kada tao o P4,000 sa kada pamilya lamang ang budget.
Kasunod ito ng pagmamadali ni Zarate sa gobyerno na maibigay na ang pangakong ayuda sa mga kababayang apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Giit ni Zarate, nagsimula na ang ECQ pero ang pangakong ayuda ay hindi pa nauumpisahang maibigay sa mga nangangailangan.
Pinuna ng kongresista na naunang tiniyak ng pamahalaang Duterte na mayroon namang pondong pagkukunan para dito kaya dapat na maibahagi na ang cash aid sa lalong madaling panahon.
Nangangamba si Zarate na posibleng maulit na namang mapako ang pangakong ayuda tulad sa ECQ noong March hanggang April 2021 kung saan natapos na ang lockdown ay hindi na nakarating sa mga beneficiaries ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.