Hindi kinatigan ng mga kinatawan na kasapi ng minority bloc ng Kamara ang mungkahi ni Senator Robinhood “Robin” Padilla na magtayo ng cable car bilang solusyon sa problema sa trapiko sa kamaynilaan.
Ayon kay House Assistant Minority Leader at Overseas Filipino Workers (OFW) Party-list Rep. Marissa del Mar Magsino, magandang ideya ang cable car, pero hindi pa ngayon ang tamang panahon para magkaroon tayo nito dahil mas maraming problema sa sektor ng transportasyon ang dapat munang aksyunan.
Katwiran naman ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee, para matugunan ang masikip na daloy ng trapiko ay mahalagang unahin ang pangangailangan sa kasalukuang mass transport system.
Inihalimbawa ni Lee ang pagsasa-ayos sa MRT at LRT gayundin ang pagtugon sa mga hiling ng operators at drivers ng Public Utility Vehicle (PUV).
Giit naman ni Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, dapat ayusin na ang sistema ng mass transportation at buksan na rin ang iba pang ruta para sa mga bus at jeep upang madagdagan ang masasakyan ng publiko.