Inihahanda na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang isang cadaver storage para sa mga namamatay sa COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, ang nasabing cadaver storage na gawa sa container ay may lamig na -20 degrees celcius.
Inilaan ito ng Manila Local Government Unit (LGU) upang magamit sa mga bangkay ng mga nasawi dahil sa COVID-19.
Sinabi pa ng alkalde na nakalagay ang cadaver storage sa Luneta kung saan matatagpuan din ang Manila COVID Field Hospital.
Hindi naman inihayag ni Mayor Isko ng kung ilan ang kapasidad o bilang ng mga bangkay na maaaring mailagay sa nasabing storage.
Nabatid na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay bunsod na rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na mas pinalala pa ng mas nakahahawa at nakamamatay na Delta variant.