
Patay ang isang Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) member matapos hagisan ng granada habang nakatayo sa isang military patrol base sa Barangay Nalapaan, Maledigao, Special Geographic Area (SGA), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kinilala ni Police Regional Office – BAR Public Information Officer PLtCol. Jopy Ventura ang 25-anyos na biktima na si CAA Bimbo Malingko Lumambas, residente ng Pikit, Cotabato.
Sa imbestigasyon, nasa harapan lamang ng kanilang detachment si Lumambas nang biglang lumapit ang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng itim na Bajaj motorcycle at nakasuot ng itim na hoodie at sumbrero nang agad nitong inihagis ang granada.
Tinamaan ng shrapnel sa tiyan si Lumambas at agad na isinugod sa ospital ngunit hindi na naisalba ang kanyang buhay.
Agad namang tumakas ang suspek patungong Barangay Bualan, Tugunan, SGA habang kaagad namang naglunsad ng hot pursuit operation ang Pikit PNP, katuwang ang RMFB-12, Maledigao PNP, at 40th Infantry Battalion upang maaresto ang suspek.
Dahil sa insidente, naka-heightened alert na ngayon ang lahat ng patrol base ng militar sa ilalim ng 6th Infantry Division.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang militar sa pamilya ng biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng nasabing krimen.









