CAGAYAN AT ISABELA, NAKATAAS SA STORM SURGE WARNING AYON SA PAGASA

Cauayan City – Naglabas ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ukol sa posibilidad ng storm surge o hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig sa baybaying-dagat ng ilang bahagi ng Cagayan at Isabela bunsod ng bagyong “Crising”.

Ayon sa ahensya, maaaring umabot mula isa hanggang dalawang metro ang taas ng alon na posibleng magdulot ng panganib sa mga lugar na malapit sa dagat.

Sa Cagayan, kabilang sa mga bayang nasa ilalim ng storm surge warning ang Abulug, Aparri, Baggao, Ballesteros, Buguey, Calayan, Claveria, Gattaran, Gonzaga, Lal-lo, Pamplona, Peñablanca, Sanchez-Mira, Sta. Ana, at Sta. Teresita.

Samantalang sa Isabela, nakataas ang babala sa mga bayan ng Dinapigue, Divilacan, Maconacon, at Palanan na may mga baybaying direktang posibkeng maapektuhan ng nasabing bagyo.

Bilang pag-iingat, pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente na umiwas sa mga dalampasigan at iwasan ang anumang uri ng aktibidad sa karagatan upang makaiwas sa posibleng sakuna.

Hinihikayat din ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan.

Pinaalalahanan din ng PAGASA ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga susunod na abiso at update kaugnay sa lagay ng panahon, dahil posible pang madagdagan ang mga lugar na maapektuhan ng storm surge habang nananatiling aktibo ang bagyong “Crising.”

Facebook Comments