Cagayan Gov. Manuel Mamba, sumuko sa Kamara

Boluntaryong sumuko sa Kamara at ngayon ay humaharap sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts at Committee on Suffrage and Electoral Reforms si Cagayan Valley Governor Manuel Mamba.

Si Mamba ay pinatawan ng contempt at pinapa-detain sa Kamara matapos nitong hindi siputin ng ilang ulit ang mga pagdinig ukol sa umano’y iligal na paglalabas ng pondo ng Cagayan Provincial Government sa election period mula Marso 25 hanggang Mayo 9 noong nakaraang taon.

Sa pagdinig ngayon ay humingi ng tawad si Mamba at ipinaliwanag na kaya hindi siya nakadalo sa mga nakaraang pagdinig ay dahil abala sila sa pag-aasikaso at pagbibigay ng tulong sa mga kababayang naapektuhan ng magkakasunod na bagyo.


Diin ni Mamba, hindi niya intensyon na magpakita ng kawalan ng respeto sa House of Representatives.

Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na mapoproteksyunan ang karapatan ni Governor Mamba at may mga nakalatag ng hakbang para masiguro na mapapangalagaan ito habang nasa kustodiya ng Kamara.

Bukod kay Mamba ay na-contempt at nakaditine rin sa Kamara si Cagayan Provincial Information Officer Rogelio Sending matapos na hindi makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag kaugnay ng kanyang pagkabigong dumalo sa mga naunang pagdinig.

Facebook Comments