
Isinailalim na sa State of Calamity ang buong probinsiya ng Cagayan dahil sa labis na iniwang pinsala ng Super Typhoon “Nando” na nanalasa nitong nagdaang araw sa probinsiya.
Ito’y matapos aprubahan ngayong Biyernes, Setyembre 26, 2025 ang isang resolusyon na ipinasa at inirekomenda ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMO).
Sa pinakahuling pagtaya ng Cagayan PDRRMO nasa 7 ang iniwang patay ng Super Typhoon Nando sa lalawigan habang 2 pa ang nawawala.
Batay pa sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot sa mahigit sa ₱655-M ang inisyal na halaga ng pinsala sa sektor ng Agrikultura at imprastraktura.
Umabot din sa 41,001 ang mga nasirang kabahayan, kabilang ang 2,616 na totally damaged at 38,385 na partially damaged.
Sa pagdedeklara ng State of Calamity, may otorisasyon na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na gamitin ang Quick Response Fund mula sa Local DRRM Fund upang maipaabot ang agarang tulong sa mga naapektuhan, partikular sa mga residente ng Isla ng Calayan na kabilang sa pinakamalubhang tinamaan ng bagyo.









